Archive for September 11th, 2008

h1

Kung Nag-Aral Lang Ako…

September 11, 2008

Pumunta ako ng Makati para puntahan ang Initial Interview ko sa inaplayan kong company doon. Pagdating ko doon, agency pala ang pinuntahan ko. Ayos naman ang lahat. Mababait ang staff. malinis, maayos at malamig ang opisina. Nagulat pa ang interviewer kong si Ms. Nea dahil magaganda ang mga nakaraang trabaho ko at matataas din ang sweldo – kumpara sa inaaplayan kong minimum lang ang matatanggap ko at mahirap talaga ang trabaho. Hindi naman ako nagsinungaling o gumawa ng mga kuwento-kuwento, sinabi ko ang lahat ng totoo. Maayos na maayos ang lahat, asikasong-asikaso ang mga aplikanteng gaya ko. Matapos ang exam at interview, binigyan na ako ng Endorsement.

Maaga akong nagising kinabukasan. Puyat ako pero ayos lang naman. Wala nang kain-kani, dumiretso na ako sa lakad ko. Nang nasa jeep na ako, saka ko nalamang napakalayo pala ng pupuntahan ko. Isang sakay lang pero napakalayo pa rin. Bumaba ako ng Pasig Rotonda saka sumakay naman ng tricycle doon. Malayu-layo pa rin ang binyahe ng tricycle. Pagdating ko sa HR, nakaupo na ang lahat ng mga nakasabay ko kahapon sa agency. Doon medyo nagkakabiruan at nagkakausap-usap na rin kami. Hindi na kami nagpakilala sa isa’t-isa. Noong una, natatarayan ako sa ladyguard. Mula 9:00am eh naghintay kaming apat doon, dumaan ang ilang oras dumami ang mga aplikanteng sasabak sa Final Interview. Iba-ibang posisyon naman ang inaaplayan namin. Dalawa lamang kami ng katabi kong, ewan kung bakit nakikipag-usap naman siya sa iba samantalang ako na kasabay niya pang nag-exam at na-interview kahapon eh ni hindi niya matapunan nang tingin, katabi ko na siya non ha.

Ilang beses kong narinig na nag-ring ang bell. Ilang beses ko ring nakitang lumabas at pumasok ang ilang empleyado doon. Kanina pa lang sa tricycle – parang ayoko na talagang ituloy – pano ba naman, Php 28.oo na sa jeep tapos Php 30.oo pa sa tricycle – lumalabas na Php 116.oo ang balikan. Hindi kakayanin lalo pa at minimum wage na Php 382.oo lang ang kikitain ko sa isang araw. Magkano na lamang ang matitira sakin. Nagpasya na akong umuwi. Nang kunin ko ang NBI Clearance ko sa ladyguard. Mukha na siyang mabait at sinabing maaari naman daw akong bumalik kinabukasan dahil nga busy lang daw talaga ang mag-iinterview samin. Nginitian ko na lamang siya.

Mas mainit at mas traffic ang byahe ko pauwi. Mag-aalas-dose na kasi. Marami akong nakasakay na mga estudyante. Bumaba ako sa bandang San Sebastian, kung saan, mas lalong dumami ang nakasabayan kong estudyante sa paglalakad. Nadaanan ko rin ang UE, AMA at STI at ilan pang paaralan – nasa University Belt na kasi ako. Nalungkot ako. Kung pinagbuti ko lang sana ang pag-aaral noon at nagsumikap pa para magkolehiyo – hindi sana ako nahihirapan, hindi sana ako magkakaganito. Nainggit ako sa mga estudyante, kung sinipagan ko pa sana at nagkolehiyo sana ako e di dapat sana nasa opisina ako nagtatrabaho – o di kaya ay nasa ibang bansa na ako. Talagang nasa huli ang pagsisisi. Hindi ko na maibabalik pa ang mga panahong sinayang ko. Kung maibabalik ko pa sana ang panahon.